featured-image

Nabawi na ng mga awtoridad ang isang luxury vehicle na halos P5 milyon ang halaga na tinangay ng family driver mula sa kaniyang mga amo. Ang sasakyan, ibinenta sa halagang P2 milyon at nilalakad na ang mga dokumento para ilipat sa iba ang pagmamay-ari nito. Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng PNP-Highway Patrol Group Task Force Limbas na tinangay ng family driver at isa pa nitong kasabwat ang sasakyan sa Pasay City mula sa kaniyang amo.

"Most of the time, ang nangyayari po, kapag may ganitong magagandang sasakyan, ibinebenta agad 'yan at naita-transfer," ayon kay Police Colonel Joel Casupanan, PNP-HPG TF Limbas. "Na-trace natin, nag-red flag, ililipat na sa ibang pagmamay-ari. So doon na natin na-intercept yung isang liason na buy and sell car, na ita-transfer supossedly yung sasakyan," dagdag ng opisyal.



Naaresto ang lalaking na itinuturong nagpoproseso ng mga dokumento sa Land Transportation Office para mailipat ang sasakyan sa pangalan sa bagong may-ari. "Pagkakuha ng sasakyan, readily available mayroong bibili at magpo-process ng transfer of ownership. Masasabi natin na miyembro sila ng organisasyon," sabi pa ni Casupanan.

Natunton ng HPG ang taong bumili ng sasakyan na kasama sa mga iniimbestigahan kahit boluntaryo niya itong isinuko. Wala pa siyang pahayag, pati ang inarestong nag-aayos ng rehistro sa LTO. Habang patuloy namang hinahanap ang suspek na family driver na siyang tumangay sa sasakyan.

Payo ni Casupanan sa mga bibili ng sasakyan, makipag-ugnayan sa HPG o LTO upang masiguro na hindi naka-'alarma' ang ibinibentang sasakyan lalo na kung napakamura nito sa kaniyang modelo.-- FRJ, GMA Integrated News.

Back to Luxury Page