Ikinuwento ng aktres na si Sherilyn Reyes-Tan ang ginawang pananamantala sa kaniya ng ilang malalapit sa kaniyang buhay at kakilala, gaya nang ma-swindle siya umano ng P37 milyon at manakawan ng sarili niyang personal assistant. Sa nakaraang episode ng Lutong Bahay, ibinahagi ni Sherilyn na kasosyo niya sa negosyo ang nag-swindle umano sa kaniya ng milyon-milyong halaga. "Kasi, nagbebenta ako ng mga high-end luxury bags.

Doon meron akong ka-deal for two years, okay naman kami, it's just that nagkaroon din siya siguro ng ibang challenges, 'yung ibang offers hindi naman niya na-disclose lahat. Doon nag-umpisa na siyempre, nadamay na kami ng mga suppliers niya," pagbabahagi ng aktres. Dumating ang pagkakataong dumoble pa ang halaga.

"Start from zero kami. Medyo malaki talaga 'yung amount tapos nagdoble pa because nag-pandemic so nagkaroon ng interest. P37 (milyon)," sabi ni Sherilyn.

Ayon kay Sherilyn, hinahanap na nila ang business partner na ito. "Siyempre may kasalanan siya sa amin, kailangan niyang magbayad," sabi ni Sherilyn. "Ipapakulong ko siya," dagdag niya.

Bukod dito, naranasan na rin ni Sherilyn na maloko umano ng kaniyang personal assistant. "Matagal na 'yon," sabi niya. "Actually, because siguro dahil PA ko siya, 'pag PA mo kasi trusted mo tapos five years na.

Pero ito naman, parang sumobra rin because 'yung hinahawakan na rin niya 'yung ATM ko." Natuklasan ito ni Sherilyn nang hindi magbalanse ang pina-withdraw niya sa personal assistant. Hindi na namalayan ni Sher.