Inihayag ng Kapuso actress na si Arra San Agustin sa isang panayam sa Artistambayan na ayaw niya na may kaagaw sa isang relasyon. Sa naturang panayam, sinabi ni Arra na insecure sa sarili ang mga cheater sa relasyon. "Feeling ko insecure sila sa sarili nila.
Kasi parang hindi sila kontento so hanap sila nang hanap ng iba," sabi ni Arra. Para kay Arra, kung hindi kaya ng isang tao na isa lang ang karelasyon niya, mabuti pang huwag na itong makipagrelasyon para wala siyang ibang tao na masasaktan. "Dapat ilalagay mo lagi sa isip mo na 'wag kang tatapak ng ibang tao, 'wag mo silang sasaktan intentionally," saad ng aktres.
Ikinuwento rin ni Arra na minsan na siyang nagkaroon ng karelasyon na huli na nang malaman niya na may kahati siya sa puso ng lalaki at pinagpipilian sila. "Parang nu'ng nagsisimula pa lang kami parang mayroon siyang pinagpipilian, dalawa kami. Eh medyo late ko na nalaman ito, nang nalaman ko na pinagpipilian kami, no," saad niya sa pagkalas sa relasyon.
"Alam ko yung worth ko na hindi ako option...
I'm number 1. Hindi ako option," giit niya. Payo pa niya sa iba, "Never become an option.
Hindi kayo puwedeng maging option. Taasan niyo nang konti standard niyo." Kahit gustong-gusto pa niya ang lalaki, sinabi ni Arra na "its a no" kapag may kahati siya rito.
"Ayaw ko nang may kaagaw. Kung hindi ako lang, its a no," sabi ni Arra. Ipinaliwanag din ni Arra na siya ang tipo ng tao na hindi madaling mahulog ang loob o hindi kaagad nagtitiwala kahit sa pakikipagkaibigan.